MANILA, Philippines - Sinandalan ng mga nanalig sa ‘di pinaborang Star Belle ang lakas ng pagdating nito para makapaghatid ng magandang dibidendo noong Miyerkules ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Val Dilema ang siyang sumakay sa apat na taong filly at nabugaw ito sa pitong naglaban sa alisan hanggang sa bungad ng far turn sa karerang pinaglabanan sa 1,500-metro distansya.
Ang Princess Haya na sinakyan ni Jeff Zarate at Divine sa pagdadala ni Jessie Guce ang nagsalitan sa pagdadala ng trangko sa karera.
Pero hindi napansin ng mga nangungunang kabayo ang malakas na pagdating ng Star Belle na dumiretso sa panalo.
Pumangalawa pa ang Boss Jaden ni JB Bacaycay bago sumunod na tumawid ang Princess Haya para sa pangatlong puwestong pagtatapos.
Si Dilema ang ikatlong hinete na sumakay sa huling apat na takbo ng kabayong may lahing Henrythenavigator at Lady Bird Blue at lumabas ito bilang pinakadehadong kabayo na kuminang sa walong karerang pinaglabanan.
Naghatid ng win ng P117.50 habang ang forecast na 6-5 ay mayroong P808.00 dibidendo.
Dominado ng mga pinaborang kabayo ang ibang races at ang pinakaliyamadong nanalo ay ang Alta’s Choice na winakasan ang magkasunod na segundo puwestong pagtatapos nang kuminang sa Handicap Race 3 sa 1,500-metro distansya.
Ang Heart Smart ang umalagwa agad habang sumunod lamang ang Alta’s Choice.
Ganito ang puwesto ng dalawang kabayo hanggang sa rekta at inakalang makukumpleto ng kabayong hawak ni El Blancaflor ang banderang-tapos na panalo dahil angat pa ito ng halos dalawang dipa papasok sa huling 100-metro.
Pero may sapat pang lakas ang Alta’s Choice at sa huling 25-metro ay nakauna na para makuha ang tagumpay.
Si Rodeo Fernandez ang hinete uli ng kabayo para makapaghatid ng win ng P6.50 habang ang 7-3 forecast ay nagbigay pa ng P106.50.
Lumabas na pinakamainit na hinete si Dilema dahil kinuha niya ang ikalawang panalo sa pista sa Kanlaon sa class division 6 sa 1,300-metro distansya.
Kinailangang maipakita ng tatlong taong colt na anak ng Bwana Bull at Never Left na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benjur Abalos ang tibay matapos sukatin nang husto ng Captain Ball sa pagdiskarte ni Fernando Raquel Jr.
Sa rekta ay angat pa ang Captain Ball pero ginalit pa ni Dilema ang Kanlaon para manalo pa ng halos kalahating dipang agwat.
Beterano ng Triple Crown Championship, ang panalo ng Kanlaon ay naghatid ng P9.50 sa win P12.00 ang dibidendo sa naliyamadong forecast.
Ang iba pang kabayo na nanalo sa unang gabi sa pista ng Manila Jockey Club Inc., ay ang Little Ms. Hotshot sa race one, Rain Drop sa race two, Louie Alexa sa race four, Borj Kahlifa sa race six at War Hawk sa race eight. (AT)