BARCELONA, Spain -- Pinaingay ng dalawang malaking upset ang Basketball World Cup nitong Miyerkules nang silatin ng France ang host Spain, 65-52 habang ginulantang ng Serbia ang Brazil, 84-56 upang itakda ang kanilang semifinal clash.
Magkikita ang USA at Lithuania sa unang semifinal game sa Barcelona nitong Huwebes habang ang Serbia at France ay maghaharap sa Madrid sa Biyernes.
Ang inaasahang makakasagupa ng USA Team na Spain ay nasilat ng France na hindi nakaasa sa kanilang ilang top players kabilang si four-time NBA champion Tony Parker ng San Antonio Spurs.
Sa harap ng malakas na sigawan ng mga fans ng Spain, hawak ng France ang kalamangan mula sa simula hanggang matapos ang laro sa pisikal na laro kung saan nagkagirian ang mga players.
Naiwanan ng France ang Spain sa pangunguna ni forward Boris Diaw na tumapos ng 15 points at 5 rebounds at sinuportahan ito ni Thomas Heurtel na humakot ng 13 points at four assists.
Sinundan ito ng Serbia na nakalusot lamang sa preliminary group stage, ng kanilang ikalawang upset win sa knockout rounds matapos sibakin ang Brazilians makaraang patalsikin ang Greece sa round-of-16.
Sa pangunguna ng kanilang playmaker na si Milos Teodosic na umiskor ng 23 points at may 4-assists, isang 21-2 run ang kanilang pinakawalan sa huling bahagi ng se-cond quarter at kaagahan ng third canto at di na lumingon pa.
Nalimitahan ang Brazilian team sa 22 field goals mula sa 65 attempts sa mahusay na depensa ng Serbia dahilan para mapuwersa silang tumira ng long-range shots.