MANILA, Philippines - Napanatili ng kabayong Warlock ang distansya sa mga naghahabol para makuha ang panalo sa 3-Year Old and Above Maiden race noong Martes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Dan Camañero ang siyang sumakay sa kabayo at hindi naapektuhan ang kabayo sa paghahabol ng Gutter Express at Silent Whisper para magdomina sa 1,200-metro karera.
Halagang P10,000.00 ang naipasok ng nanalong kabayo sa kanyang connections na ibinigay ng nagpakarera na Philippine Racing Commission (Philracom).
Maagang nakuha ang trangko ng Silent Whisper na dala ni Dominador Borbe Jr. pero bumuntot agad ang Warlock habang naghahabol din ang Big Bee at Gutter Express.
Sa far turn ay inagaw na ng Warlock ang liderato sa limang kabayong karera pero pagpasok sa rekta ay dumikit na ang nasa balya na Gutter Express na hawak ni Jeff Zarate.
Pero hindi inabot ang nangungunang kabayo habang ang Silent Whisper ay nakaremate pa para sa pangalawang puwesto.
Naliyamado ang Warlock para maghatid ng P9.50 sa win pero dehado sa bentahan ang Silent Whisper para sa P42.50 dibidendo sa 4-2 forecast.
Isa pang three-year old horse na nagpasikat, ang La Loma Queen sa 3YO Maiden B-C race sa 1,200-metro distansya.
Si Fernando Raquel Jr. ang dumiskarte sa La Loma Queen na nanguna mula sa simula hanggang sa natapos ang bakbakan.
Hindi umabot ang paghahabol ng Bull Star Rising ni Borbe para pumangalawa sa datingan.
Halagang P10,000.00 din ang naibulsa ng may-ari ng La Loma Queen na naghatid din ng P15.50 sa win habang ang 4-2 forecast ay may P16.50 dibidendo.
Lumabas na pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa gabi ay ang Think Again sa class division 3 sa 1,400-metro distansya.
Nakabawi ang kabayong diniskartehan ni LT Cuadra Jr. sa pangalawang puwestong pagtatapos noong Agosto 31 at tinalo ng tambalan ang Chelzeechelzechelz.
‘Di inasahan ang malakas na takbo ng pumangalawang kabayo na hawak ni AG Avila upang ang 1-3 forecast ay may P358.00 dibidendo matapos maghatid ng P8.00 ang win. (AT)