Pacquiao ‘di pa iiwan ang pagboboksing

MANILA, Philippines -  Sa edad niyang 35-anyos at inaasahang pagiging abala bilang playing coach ng Kia Team sa PBA at Congressman ng Sarangani, sinabi ni Manny Pacquiao na wala pa sa kanyang isipan ang pagreretiro sa boksing.

Ayon kay Pacquiao, hindi pa niya nararamdamang nawawala ang kanyang lakas at bumabagal ang kanyang kilos sa iba-baw ng boxing ring.

“Right now I’m not thinking about that, I believe I can still fight. I’m still young,” pahayag ng Filipino world eight-division champion na lalaban sa ika-63 pagkakataon kontra kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Mismong si chief trainer Freddie Roach ang naunang nagsabi na siya mismo ang hihikayat kay Pacquiao na magretiro sa sandaling makitaan niya ito ng panghihina.

Huling nakaiskor ng KO victory si Pacquiao noong Nobyembre 14, 2009 kung saan niya pinasuko si Miguel Cotto sa 12th round para agawin ang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown ng Puerto Rican fighter.

Nakatakdang idepensa ng 5-foot-6 na si Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban sa 5’10 na si Algieri (20-0-0, 8 KOs).

Para sa title defense ni Pacquiao kay Algieri ay sinabi ni Roach na hindi niya papayagan si ‘Pacman’ sa mga laro ng Kia Team sa PBA tatlong linggo bago ang nasabing laban.

“I won’t play in the game before the fight,” pagkumpirma ni Pacquiao sa pahayag ni Roach. “After November 22, I’ll play a little bit, I’m more focused on coaching.”

Kung mananalo kay Algieri ay bababa si Pacquiao sa light welterweight division.

“That’s my natural weight (140 lbs.) It’s not hard to make weight. Any fighter has a chance to fight with me but right now we have to focus on the Algieri fight,” sabi ni Pacquiao.

Kung tuluyan siyang babalik sa light welterweight class ay ang kampeong si Danny Garcia ang kanyang posibleng makaharap.

“I’m happy for that. We should work together with other promoters and their fighters, so yes I’m happy for that,” sabi ni Pacquiao.

 

Show comments