Gilas balitang-balita sa Spain

SEVILLE – Tila nakuha ng Gilas Pilipinas ang atensyon ng international media dahil sa paglaki ng espasyong ibinibigay sa Philippine national team sa mga Spanish newspapers na nag-uulat ng FIBA World Cup sa kabila ng kabiguang makapasok sa round-of-16 na nagsimula sa Madrid at Barcelona noong Sabado.

Ang pinakahuling itinampok sa Spanish daily sports newspaper na Marca ay si guard/forward Gabe Norwood na ang litrato ay sinamahan ng larawan ni US President Barack Obama.

Ang tawag kay Norwood sa PBA ay Mr. President dahil sa kanyang pagkakahawig sa US Chief Executive.

Ang 29-anyos na si Norwood ay isa sa dalawang Gilas players na naglaro ng 30 minuto bawat laro sa Group B competition.

Nagtala siya ng average na 31.8 minutes sa ilalim ng 33.8 ni naturalized player Andray Blatche.

Tumipa din si Norwood ng 5.2 clip at nagposte ng average na 3.0 rebounds kada-laro.

Laban sa Argentina, ang kanyang slam dunk sa mukha ni NBA veteran Luis Scola ay nakasama sa highlight reel ng FIBA at ESPN.

Sa nasabi ring laro ay muling nagsalpak si Norwood ng dunk kontra kay Marcos Mata gamit ang kaliwang kamay.

May tatlo pang Gilas players na inilagay ang la-rawan sa mga Spanish newspapers matapos ang panalo sa Senegal.

Sa newspaper AS ay inilimbag ang litrato ni Jimmy Alapag na nilusutan si Mouhammad Faye ngunit ang caption ay ang pangalan ni L. A. Tenorio ang nakalagay.

May larawan din sa AS kung saan tinakasan ni Blatche ang double team nina Maleye Ndoye at Gorgui Dieng.

Sa newspaper  na La Vanguardia ay itinampok naman ang pagdedepensa ni June Mar Fajardo kay Dieng.

 

Show comments