Tupas, Vicente, Dela Cruz nanatili sa unahan

MANILA, Philippines - Hindi pa rin nawawala sa unang tatlong puwesto ang mahuhusay na trainers na sina Ruben Tupas, Conrado Vicente at Dave dela Cruz.

Hindi pa rin natitinag si Tupas sa pagtangan sa unang puwesto nang uma­bot na sa P1,856,594.33 ang kinita nito.

Bitbit ng mga kabayo na sinanay ni Tupas ang 77 panalo bukod pa sa 87 segundo, 79 tersero at 74 kuwarto puwestong pagtatapos.

Si Vicente pa rin ang lumalabas na may pinakamaraming panalo sa nasabing hanay sa 98 panalo bukod pa sa 95 segundo, 79 tersero at 62 kuwarto puwesto.

Pero sa malala­king karera nagwagi ang mga kabayo ni Tupas para malagay pa rin sa ikalawang puwesto si Vicente tangan ang P1,797,871.67 premyo.

Si Dela Cruz ay nasa ikatlong puwesto taglay ang P1,565,705.76 kita  na kinatampukan ng pagpapasikat sa pumapangalawang 94 panalo bukod pa sa 76 segundo, 82 tersero at 74 kuwarto puwestong pagtatapos.

Si RC Hipolito ay mayroong 32 panalo lamang pero nasa ikaapat na puwesto na siya dahil sa pagbibida ng Kid Molave na siyang kinilala bilang 2014 Triple Crown Champion.

Kumabig na si Hipolito ng P903,067.47 prem­yo bitbit pa ang 22 segundo, 12 tersero at 13 kuwarto puwesto.

Ang nasa ikalimang puwesto ay si RP La Rosa tangan ang P873,236.03 premyo sa 60-42-28-21 una hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos.

Kapos lamang ng halos P60,000.00 si MM Vicente na nasa ikaanim na puwesto habang sina JC Pabilic, RR Yamco, Rey Henson at Danilo Sordan ang kumumpleto sa unang sampung puwesto.

May P813,568.93 napanalunan na si Vicente sa 39-44-49-51 baraha.

Si Pabilic ay may P806,990.67 (48-50-30-50), si Yamco ay may P780,413.07 (45-32-59-63), si Henson ay may P716,995.01 (42-39-28-28) at si Sordan ay may P680,094.80 (42-31-30-28). (AT)

Show comments