MANILA, Philippines - Nakita uli ang magandang kondisyon ng kabayong Señor Vito nang napabilang ito sa mga nanalong kabayo noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Walong kabayo ang nagsukatan sa 1,400-meter Special Class Division race at tila nasa kondisyon ang El Libertador na hawak ni jockey JAW Saulog.
Lamang ito mula sa huling kurbada hanggang pasukin ang rekta habang naghahabol ang Señor Vito, Money King at Amberdini.
Sa huling 100-metro, umarangkada mula ang Senor Vito sa paggabay ni Rodeo Fernandez para makuha ang panalo.
Ang Money King na hawak ni jockey RM Ubaldo ang pumangalawa pa habang ang El Libertador ay naubos at tumawid sa ikalimang puwesto lamang.
Hindi nakaporma sa pakarera ng National Press Club, ang dehadong panalo ng Señor Vito ay naghatid ng P38.00 sa win habang ang 4-2 forecast ay may P337.50 dibidendo.
Nagpatuloy naman ang pagpapanalo ng Sea Master nang dominahin pa ang Metro Turf Special Race sa 1,200-metro distansya.
Walang nakaporma sa galing ng Sea Master na hawak ni AG Avila dahil mula simula hanggang natapos ang laban ay nasa unahan ang tambalan.
Sinikap ng Favorite Chanel na agawin pa ang panalo nang nakasabayan ang Sea Master pero buo pa ito na dumating para sa halos isang ulong pagitan ng meta.
May P8.50 pa ang ibinigay sa win habang ang pagsegundo ng kabayong Kevin Abobo para sa 1-2 forecast ay may P49.50 na ipinamahagi.
Nagpakilala naman ang dalawang taong kabayo na Azarenka ni jockey RF Torres nang dominahin ang pitong kabayo pero lima lamang ang opisyal na bilang, na 2YO Maiden A race sa 1,200-metro distansya.
Sakto ang pagpapakawala ni Torres para abutan sa meta ang nangungunang Panglao Island ni Fernando Raquel Jr.
Nakabawi ang Azarenka mula sa panglimang puwesto sa alisan at tila nakatulong ang paglutsa ng kabayong Rafa sa Panglao Island para hindi magpabaya ang nasabing kabayo.
Dahil dito ay napagod ito at wala nang nailabas pa para malagay na lamang sa pangalawang puwesto.
Naghatid ng P9.00 ang win habang P26.00 ang ipinasok ng 4-5 forecast. (AT)