Phl Azkals pinulbos ang Taiwanese

MANILA, Philippines -  Kung may napatuna­yan sa unang laro ang Azkals sa 2014 Philippine Peace Cup ay ang katotohanang may iba pa silang pu­wedeng asahan.

Dinurog ng Azkals ang bisitang Chinese Taipei, 5-1, para pagningningin ang hangaring mapanatili sa Pilipinas ang titulo sa ikatlong sunod na edis­yon.

Malakas na panimula ang naipakita ng home team at kahit naantala ang laro dahil sa pagbuhos ng malakas na pag-ulan at malalakas na kidlat ay hindi napalamig ang ma­tinding opensa patungo sa magandang panalo sa Ri­­zal Memorial Football field.

Si Mark Hartmann ang nagpakilala para sa Azkals nang akuin niya ang dalawang goals sa second half para umani ng papuri rin kay US-German coach Thomas Dooley.

Bukod kay Hartmann, na­pasaludo rin si Dooley sa husay ni Kenshiro Da­niels na pinaglaro niya sa bagong posisyon na right back.

Si James Younghusband ay naghatid ng goal sa first half katulad ni Rob Gier, habang ang ikali­mang goal ay ‘own goal’ ni Chen Yi-wei.

Kung may isang bagay na pi­nang­hihinayangan si Dooley ay ang kabiguan ng Pilipinas na blangku­hin ang Taiwanese.

Ang panalo ay nagtulak sa Pilipinas sa championship bukas laban sa Myanmar.

Tinalo ng Myanmar ang Palestine, 4-1, sa naunang laro.  

 

Show comments