Phl Azkals pinulbos ang Taiwanese
MANILA, Philippines - Kung may napatunayan sa unang laro ang Azkals sa 2014 Philippine Peace Cup ay ang katotohanang may iba pa silang puwedeng asahan.
Dinurog ng Azkals ang bisitang Chinese Taipei, 5-1, para pagningningin ang hangaring mapanatili sa Pilipinas ang titulo sa ikatlong sunod na edisyon.
Malakas na panimula ang naipakita ng home team at kahit naantala ang laro dahil sa pagbuhos ng malakas na pag-ulan at malalakas na kidlat ay hindi napalamig ang matinding opensa patungo sa magandang panalo sa Rizal Memorial Football field.
Si Mark Hartmann ang nagpakilala para sa Azkals nang akuin niya ang dalawang goals sa second half para umani ng papuri rin kay US-German coach Thomas Dooley.
Bukod kay Hartmann, napasaludo rin si Dooley sa husay ni Kenshiro Daniels na pinaglaro niya sa bagong posisyon na right back.
Si James Younghusband ay naghatid ng goal sa first half katulad ni Rob Gier, habang ang ikalimang goal ay ‘own goal’ ni Chen Yi-wei.
Kung may isang bagay na pinanghihinayangan si Dooley ay ang kabiguan ng Pilipinas na blangkuhin ang Taiwanese.
Ang panalo ay nagtulak sa Pilipinas sa championship bukas laban sa Myanmar.
Tinalo ng Myanmar ang Palestine, 4-1, sa naunang laro.
- Latest