MANILA, Philippines - Magtitipun-tipon ngayong hapon ang pambansang mga atleta kasama ang mga sports at government officials para sa isang simpleng send-off ceremony sa Philsports Arena sa Pasig City.
May 150 atleta at 55 officials para sa kabuuang 205 delegasyon ang siyang magdadala ng laban ng Pilipinas sa Asian Games sa Incheon, Korea na gagawin sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang siyang mangunguna sa kanilang hanay, habang si Jose Rene Almendras na Secretary to the Cabinet of the Philippines ang siyang magbabasa sa mensaheng nais iparating ni Pangulong Benigno Aquino III.
Bago ito ay isang misa muna ang isasagawa sa ganap na alas-5 ng hapon.
Asam ng pambansang delegasyon na mapantayan kundi man ay mahigitan ang tatlong gold, apat na silver at siyam na bronze medals na naiuwi mula sa Guangzhou, China noong 2010.
“Lahat ng dapat na gawin ay ginagawa natin. Ang mga equipment, training at iba pang kailangan ng mga atleta ay ibinibigay natin,” wika ni Garcia.
Kasama rin sa dadalo para magbigay ng inspirasyon si Luis Gabriel Moreno na nanalo ng ginto sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China sa Mixed International event kasama si Chinese lady archer Li Jiaman.
Inaasahan ding ibibigay ang insentibo para kay Moreno.
Ang ginto ay nagkakahalaga ng P1 milyon, ang pilak ay P500,000.00 at ang bronze ay tutumbasan ng P100,000.00.