SEVILLE, Spain -- Siyam na koponan ang nakasikwat ng tiket para sa Round of 16 ng 2014 FIBA Basketball World Cup.
At ilan pa ang magtatangkang makasama sila sa Group Phase.
Ang mga nakapasok sa Round of 16 ay ang nagdedepensang United States, tournament host Spain, Argentina, Australia, Brazil, Greece, Lithuania, Senegal at Slovenia.
Ang mga laro ay idaraos sa Barcelona at Madrid.
Pinalakas ng Iran ang kanilang tsansa sa Group A mula sa 88-73 panalo laban sa Egypt sa labanan ng mga koponang wala pang panalo.
Sinelyuhan ng Brazil ang kanilang puwesto sa Round of 16 matapos kunin ang 81-73 tagumpay laban sa Serbia, habang giniba ng Spain ang France, 88-64.
Sa Group B, maglalaro ang Argentina sa Madrid sa Round of 16 matapos ang 81-46 paggupo sa Senegal.
Inilista ng Greece ang kanilang ikaapat na panalo matapos ang 76-65 pananaig sa Croatia.
Sa Group C, ginulat ng New Zealand ang Ukraine, 73-61, at dinaig ng Turkey ang Finland sa overtime, 77-73.