MANILA, Philippines - Sa ganda ng inilaro ni Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche sa 2014 FIBA World Cup ay lalong hindi siya papayagan ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) na makalaro sa darating na Asian Games.
Kaya naman sinabi ni Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia na mahihirapan ang 6-foot-11 na si Blatche na mabigyan ng ‘go signal’ ng IAGOC para makalaro sa 2014 Asian Games.
“Not very optimistic. Pero definitely, we will give it a try,” wika ni Garcia, ang tumatayong Chef De Mission ng delegasyon para sa Incheon Asiad.
Sa kabila nito, nangako si Garcia na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para maipaglaban ang 27-anyos na si Blatche sa nakatakdang delegation registration meeting sa Setyembre 11.
Iginiit ng IAGOC na hindi nila papayagan si Blatche, naglaro sa NBA para sa Washington Wizards at Brooklyn Nets, dahil bagsak ito sa three-year residency rule ng Olympic Council of Asia para sa mga naturalized athletes.
Nagsumite na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng kanilang position paper sa IAGOC.
Bukod kay Blatche, kinukuwestiyon din ang eligibility sina Gabe Norwood at Jared Dillinger.
Sinabi ng POC na hindi sakop si Blatche ng nasabing three-year residency rule ng OCA at nararapat lamang na ang international basketball federation na FIBA ang dapat masunod sa isyu.