SEVILLE, Spain – Wala nang pag-asang makasulong ang Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup matapos makalasap ng 73-77 kabiguan laban sa Puerto Rico sa Group B sa Palacio Municipal de Deportes San Pablo.
Ang pang-apat na sunod na kabiguan ng Nationals ang naglaglag sa kanila sa inaasam na tiket sa 16-team group stage kasabay ng pagsilip ng Puerto Ricans ng pag-asa sa kanilang 1-3 baraha.
Nakatakdang sagupain ng Gilas Pilipinas ang Senegal, pinalakas ng ilang 6-foot-11 players, kasama si Minnesota Timberwolves center Gorgui Dieng, ngayong alas-8:00 ng gabi sa kanilang huling laro sa world meet.
Nauna nang naglista ang Nationals ng 14-points na kalamangan sa first half bago naagaw ng Puerto Ricans ang bentahe sa pagsasara ng third period, 61-57.
Mula sa dalawang sunod na 3-point shots nina LA Tenorio, umiskor ng 13 points sa first half, at naturalized center Andray Blatche ay muling nakamit ng Gilas Pilipinas ang kalamangan sa 70-67 sa 3:34 minuto ng final canto.
Ipinakita naman ni 5-foot-11 point guard JJ Barea ang kanyang pagiging isang NBA player matapos magsalpak ng isang tres at drive mula sa turnover ni Blatche na nagbigay sa Puerto Rico ng 72-70 bentahe sa hu-ling 51.8 segundo.
Ang mintis na tres ni Ranidel De Ocampo ang nagresulta sa dalawang free throws ni Barea na naglayo sa Puerto Ricans sa 74-70 sa nalalabing 34.1 segundo.
Huling nakalapit ang Nationals sa 73-75 agwat buhat sa tatlong free throws ni Jimmy Alapag sa 4.5 segundo.
Sinelyuhan ni 6’11 forward Ricky Sanchez ang panalo ng Puerto Rico mula sa kanyang dalawang charities sa natitirang 3.2 segundo.
Nauna nang yumukod ang Nationals sa Croatia via overtime, 78-81; sa Greece, 70-82; at sa Argentina, 81-85, sa Group B.
Puerto Rico 77 - Barea 30, Sanchez 13, Huertas 13, Rivera 5, Galindo 5, Diaz 4, Franklin 3, Balkman 2, Clemente 2.
Gilas Pilipinas 73 - Blatche 25, Tenorio 18, Lee 10, Alapag 6, Norwood 6, Castro 4, De Ocampo 2, Pingris 2, Fajardo 0, Chan 0.
Quarterscores: 13-25; 39-44; 61-57; 77-73.