SEVILLE, Spain – Bukod sa lumalaban ng husto hanggang sa dulo ng laro ay nagimbal din ang mga fans sa dalawang beses na pagdakdak ni Gabe Norwood ng Gilas Pilipinas sa laro laban sa world No. 3 Argentina.
Dinakdakan ni Norwood sa mukha si NBA veteran Luis Scola ng Argentina sa fastbreak sa first period matapos ang steal ni Jayson Castro.
Ang naturang slam dunk ang nagbigay sa Gilas Pilipinas ng 19-12 abante laban sa Argentina.
Sa third quarter ay dinakdakan naman ni Norwood si Marcos Mata para itabla ang Nationals sa 48-48.
Sa huli ay isinuko ng Gilas Pilipinas ang 81-85 kabiguan sa Argentina para sa kanilang ikatlong sunod na talo sa Group B ng 2014 FIBA World Cup.
Nauna nang natalo ang Nationals sa Croatia at Greece.
“Yun ang nakakabwisit sana tambakan na lang tayo. Pero the fact na dumidikit at lumalaban tayo, it shows that we can compete with these teams,” sabi ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes.
“Sayang, konti lang. Mistakes here and there, lapses here and there. Missed rebounds here and there. Napakaliit ng diperensya,” dagdag pa nito.
Si Jimmy Alapag ang nagdikit sa Nationals sa fourth quarter matapos magsalpak ng limang tres para sa kanilang 81-82 agwat sa huling 2:03 minuto.
Dahil sa kanilang 0-3 baraha ay kailangang ipanalo ng Gilas Pilipinas ang kanilang mga laro sa Puerto Rico at Sene-gal para magkaroon ng tsansang makapasok sa 16-team knockout stage.