Phoenix, Saints umiskor sa 14th NAASCU

MANILA, Philippines - Pinahiya ng bisitang Our Lady of Fatima Uni­versity Phoenix ang Rizal Technological Universi­ty Blue Thunder, 80-78, sa Round Two ng 14th Na­tional Athletic Associa­tion of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) men’s basketball tour­­nament noong Linggo sa RTU Gym sa Man­da­luyong.

Pinaganda ng Phoenix ang kanilang baraha sa 6-2 kasabay ng paghuhulog sa Blue Thunder sa 4-4.

Ang three-point shot ni JJ Mallari ang nagbigay sa Phoenix ng 76-66 abante bago nakalapit ang Blue Thunder sa 72-76 agwat sa huling 1:56 mi­nuto ng fourth quarter.

Tumipa si Romyl Jor­nacion ng tres para mu­ling ilayo ang Fatima sa 79-72 hanggang muling makadikit ang RTU sa 78-79 sa natitirang 2.6 se­gundo.

Umiskor si Mallari ng 27 points, ang 14 dito ay kanyang ginawa sa third period, kasunod ang 20 ni Jornacion.

Samantala, binigo ng nag­dedepensang Centro Es­colar University Scorpions ang City University of Pasay Eagles, 100-49, para sa kanilang 8-0 marka.

Pinayukod naman ng Saint Clare College of Ca­loocan ang Diliman Computer Technology Institute Senators, 86-53, para sa ka­nilang 7-1 kartada.

Tumapos si Marte Gil na may 22 markers para sa Saints.

Ang 12 dito ay kanyang iniskor sa final can­to para iwanan ng Saints ang Senators.

 

Show comments