MANILA, Philippines - Gaano nga ba kahalaga si veteran setter Tina Salak sa Philippine Army?
Para kay head coach Rico de Guzman, si Salak ang naging gabay ng Lady Troopers sa pagwalis sa dating kampeong Cagayan Valley Rising Suns para angkinin ang korona ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
“Siyempre, mahirap palitan ang isang Tina Salak,” sabi ni De Guzman sa 38-anyos na si Salak.
Matapos ang torneo ay inihayag ni Salak ang kanyang pagreretiro.
“Sinabi ko kay coach (De Guzman) na last tournament ko na ito,” wika ni Salak, 17 taon nang nasa serbisyo.
Naramdaman ng Army ang pagkawala ni Salak nang matalo sa kanilang unang dalawang laro sa ligang itinataguyod ng Shakey’s at suportado ng Mikasa at Accel.
Nang bumalik siya sa koponan ay madaling nakaiskor sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista.
Nagsimula si Salak bilang isang outside spiker bago nagdesisyong maging setter sa edad na 22-anyos.
Sa pagkawala ni Salak sa koponan ay inaasahang sasandigan ni De Guzman ang Finals Most Valuable Player na si Gonzaga.
Ayon kay De Guzman, madaling matuto si Gonzaga at kailangan lamang tutukan nang husto.
Ang 22-anyos na si Gonzaga, isang education major sa Central Philippine University sa Iloilo, ang tinuturuan ni Salak simula noong Hunyo.
Pinahalagahan naman ni Gonzaga, may dalawang Finals MVP kasama ang isa sa Far Eastern University Lady Tams nang makipagtambal kay Conference MVP Rachel Ann Daquis para angkinin ang titulo ng Shakey’s V-League.