Dinomina ng Malaya ang Lakambini Stakes Race

MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Malaya ang pagiging paborito sa 2014 Philracom Lakambini Stakes Race nang do­minahin ang limang kabayong karera kahapon sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.,

Si Jonathan Hernandez ang sumakay sa tatlong taong gulang na kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at naisantabi ng tambalan ang hamon ng second choice Marinx sa 1,800-metro ka­rera.

Naorasan ang Malaya na isang Hopeful Stakes win­ner ng 1:49 sa kuwartos na 13’, 24, 23’, 23 at 25’ para maibulsa rin ang P720,000.00 unang gantimpala mula sa P1.2 milyong premyo na handog ng Philippine Racing Commission.

Naunang nagdomina ang Real Lady sa paggiya ni Jeff Zarate pero nakatutok na ang Malaya at Marinx sa pagdadala ni JB Guce.

Sa kalagitnaan ng karera ay kinuha na ng Malaya ang bandera, habang kinargahan na rin ni Guce ang Marinx para sa matinding rematehan.

Pero hindi nangyari ito dahil walang puwang ang Ma­rinx na makauna dahil buo na dumating ang Ma­laya na nanalong halos tatlong dipang agwat.

Ang P270,000.00 ang natanggap ng Marinx na pag-aari ni Mayor Leo­nardo ‘Sandy’  Javier, Jr., ha­­bang ang Real Lady ang pumangatlo at sunod na tumawid ang Morning Time ni CV Garganta.

May pakonsu­we­long P150,000.00 at P60,000.00 ang puma­ngatlo at pumang-apat sa da­tingan.

Hindi naman tumapos ang Misty Blue sa pagdadala ni Kevin Abobo.

Ang karerang ito ay bu­­kas para sa mga fillies la­mang para kilalanin bilang pinakamahusay sa di­bisyong ito sa taon ang Ma­laya.

 

Show comments