MANILA, Philippines - Hindi garantiya ang pagkakapuwesto sa itaas para makatiyak ng silya sa Final Four sa 90th NCAA men’s basketball tournament.
Ito ang nais na itanim ni Jerry Codiñera sa isipan ng mga Arellano Chiefs na sa kasalukuyan ay nasa ikalawang puwesto bitbit ang pinakamagandang panimula sapul nang sumali sa liga na 9-2 karta.
“Lahat ng games dito ay mahigpitang pinaglalabanan at hindi puwedeng may kumpiyansa ka na papasok sa laro. Dapat ay laging handa,” wika ni Codiñera.
Susubukan ng koponan na masilo ang ika-limang sunod na panalo sa pagsukat muli sa Perpetual Help Altas sa unang laro ngayong alas-2 ng hapon sa The Arena sa San Juan City.
Tinalo ng Chiefs ang Altas sa unang pagkikita 97-85, at may pag-aalala si Codiñera na baka pumasok ang bataan na tiwalang makukuha agad ang panalo.
Ito ang nakita sa koponan sa huling laro kontra sa Mapua Cardinals na kanilang tinalo sa tatlong puntos lamang, 82-79.
Nananalig ang bagitong coach na lalabas agad ang galing nina Jiovani Jalalon, John Pinto, Keith Agovida at Dioncee Holts dahil pupukpok ang Altas para makuha ang panalo at manatiling hawak ang ikatlong puwesto sa liga.
May 7-4 baraha ang Perpetual at kasalo ang host Jose Rizal University Heavy Bombers na makikipagtuos sa Lyceum Pirates sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Galing naman sa 73-54 tagumpay ang Bombers sa Emilio Aguinaldo College Generals at magandang momentum ito sa pagharap sa Pirates na tinalo sila sa overtime, 80-84.
Si Philip Paniamogan na may misyon matapos hindi napili sa PBA Rookie Draft, ay makikipagtulungan muli kina Michael Mabulac at Bernabe Teodoro para manatiling nakapasok ang JRU sa unang apat na puwesto sa standings.