SEVILLE, Spain – Determinado ang Gilas Pilipinas na mapatunayang karapat-dapat silang maglaro sa 2014 FIBA World Cup.
Ito ay sa kanilang pagharap sa Argentina sa kanilang ikatlong laro sa Group B sa Centro Deportivo San Pablo (ngayong alas-11:30 ng gabi sa Manila).
Ang kanilang ipinakita laban sa Croatia noong Sabado ay isang mensahe na nararapat sila sa world meet.
Tinakasan ng mga Croatians sa overtime, 81-78, mas relaks ngayon ang Nationals na sasagupa sa mga Argentines.
“We’ll be better,” sabi ni veteran playmaker Jimmy Alapag sa Gilas Pilipinas.
“One thing about it is that we are confident now. We now know that we belong and we can keep our heads up,” wika naman ni naturalized player Andray Blatche.
Ayon kay Dominican Republic assistant coach Bill Bayno, dating mentor ng Talk ‘N Text sa PBA, puwedeng manalo ang Gilas Pilipinas sa Argentina.
Kumpiyansa rin si Bayno na tatalunin ng Gilas Pilipinas ang Senegal.
Napanood na ni Bayno ang laro ng Nationals sa kanilang tune-up match sa Guadalajara.
Isa ring assistant coach ng Toronto Raptors sa NBA, pamilyar si Bayno sa mga koponan ng Pilipinas at Argentina at maging sa FIBA American team na Dominican Republic.
Sinabi ni Bayno na hindi masyadong malakas ang Argentina, ang 2004 Olympic champion, kumpara noong nakaraang mga taon.
Noong 2013 FIBA Americas sa Caracas, Venezuela, ginulat ng Dominicans ang Argentines, 91-72, sa kanilang second-round meeting bago nakabawi ang huli sa kanilang 103-93 panalo para sa bronze medal.
Aminado ng Argentine team na hirap sila dahil sa pagkawala nina top guns Manu Ginobili at Carlos Delfino.
“I think with Ginobili, Delfino and the complete team, we expect to fight for third place. Right now, I don’t think we have enough potential in the team to think (to be) in the Top Four,” sabi ni star point guard Pablo Prigioni.
“Well, the golden generation is a couple of guys. We’re almost done. We have so many new guys, so many young players,” ani Prigioni kina Matias Bortolin, Facundo Campazzo, Marcos Delia at Tayavek Gallizzi na may edad na 23-anyos pababa.
Sa 98-75 tagumpay ng Argentina sa Puerto Rico ay kumolekta si Luis Scola ng 20 points at 9 rebounds, habang may 11 at 10 sina Andres Nocioni at Prigioni, ayon sa pagkakasunod.
Bago ang Argentina ay lalabanan muna ng Gilas Pilipinas ang Greece (ngayong alas-2 ng madaling-araw sa Manila).
Ipaparada ng Greece sina NBA players Nick Calathes (Memphis Grizzlies), Kostas Papanikolaou (Houston Rockets) at Giannis Antetokoumpo (Milwaukee Bucks).