Batang Gilas nakuntento sa 5th place
MANILA, Philippines - Nagtapos bilang fifth place ang Batang Gilas sa FIBA-Asia Under-18 Championship matapos igupo ang Japan, 113-105 sa overtime na nagpaligaya sa mga Pinoy na dumayo sa Al Gharafa Gym sa Doha, Qatar nitong Huwebes ng gabi
Nagpakawala sina Kobe Paras, anak ng dating PBA rookie MVP na si Benjie, at Jose Go IV ng 27 at 24 points habang si Mark Anthony Dyke, Andres Paul Desiderio at Ranbill Tongco ay nagsumite ng 18, 17 at 14, ayon sa pagkakasunod upang pangunahan ang Batang Gilas, na sinuportahan ang biyahe sa Doha ng MVP Sports Foundation at Smart.
Ang defensive rebound ni Paras sa huling walong segundo ang nagresulta sa krusyal na 3-pointer ni Ranbill Tongco sa kabilang dulo ng court para magtabla ang dalawang koponan sa regulation, 93-all.
Hindi na binitiwan pa ng pambansang koponan ang momentum at si Paras ay may anim na puntos pa habang sina Jollo Go, Dave Yu at Tongco ay naghatid pa ng tig-isang tres para iwanan ang Japan.
May tatlong blocks pa ang off-the-bench na si Paras habang kumamada naman ng limang 3-pointers ang starter na si Go.
Ang ikalimang puwestong pagtatapos ay mas mataas kumpara sa pang-anim na kinalugaran ng koponang naglaro noong 2012 sa Ulan Bator, Mongolia.
Nagtagumpay naman ang two-time defending champion China na mapalawig ang pangunguna sa kompetisyon nang hiyain ang Iran, 66-48.
Ito ang ika-11 titulo ng China sa kompetisyon at hindi sila natalo sa siyam na laro.
Ang South Korea ang kumuha sa ikatlong puwesto sa 70-58 pangingi-babaw sa Chinese Taipei.
- Latest