6’7 Nigerian interesadong lumaro sa Batang Gilas
MANILA, Philippines - Dalawang linggo matapos ihayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas President Manny V. Pangilinan na naghahanap ang NSA ng matatangkad na players na magpapalakas ng national youth teams, isang 6’7 na 14-anyos mula sa Africa ang tumugon.
Nagpasabi si AJ Edu, anak ng isang Pinay sa isang Nigerian na nais niyang maglaro para sa Phi-lippines kung mabibigyan ng pagkakataon.
Lumabas sa Smart Gilas Pilipinas 2.0 Facebook page ang kuwento ni Edu at kumakalat sa social media.
Isa sa administrators ng Facebook na si Joe Fer Ares na kilala sa kanyang alias na Korn, ang nagpabatid sa Philstar.com na nagpadala ng mensahe si Josie Edu, nanay ni AJ sa kanila para humingi ng tulong kung papaano makakausap ang SBP at ang national team.
Sinabi ni Josie na may Filipino passport si AJ sapul nang siya ay 2-years old pa lang at nais niyang malaman kung papaano makakapaglaro ang kanyang anak sa Phl team.
Malaki ang maitutulong ni AJ sa national team kaya kailangang kumilos agad ang SBP dahil mayroon nang ibang nagkakainteres sa kanya.
Ayon sa nanay ni AJ, kinausap na sila ng Wales national basketball team para maglaro sa kanila ngunit mas gusto niyang maglaro ang kanyang anak para sa Pinas.
“I want him to be of help and benefit his country as well,” sabi ni Josie sa kanyang message sa Facebook fan page.
Ayon kay Josie, tubong Surigao City, wala silang balak na paglaruin ng college basketball sa Pinas si AJ dahil gusto nilang mag-aral ito sa US para sa kanilang hanga-ring makalaro ito sa NBA.
Ang tatay ni AJ na si Ayotunde Edu ay 6’8 at dating basketball player sa Nigeria at ngayon ay isa nang high school basketball coach sa Wales.
May nakausap na si Ares na SBP official habang ipinasa na rin ng Philstar.com ang contact details ni Edu kay national coach Chot Reyes.
- Latest