MANILA, Philippines - Lumapit sa korona ang Philippine Army matapos talunin ang nagdedepensang Cagayan Valley, 25-19, 18-25, 25-18, 25-5 sa Game One ng kanilang championship series sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference finals kagabi sa The Arena sa San Juan.
Nilimitahan ng Lady Troopers ang Rising Suns sa 5-puntos sa kabuuan ng fourth set para kunin ang 1-0 abante sa kanilang best-of-three title series.
Kumamada si Jovelyn Gonzaga ng 13 kills at 6 blocks para sa kanyang 19 points at nagdagdag sina Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista ng 13, 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod. Si setter Tina Salak ay may 47 excellent sets.
Sa unang laro, buma-ngon ang Air Force mula sa kabiguan sa first set para balikan ang PLDT Home Telpad, 16-25, 25-23, 25-19, 25-12 at makalapit sa third place trophy.
Humataw si Maika Ortiz ng 19 points, habang may 16 si Joy Cases, 15 si Judy Caballejo at 12 si Iari Yongco para ibigay sa Air Spikers ang 1-0 abante sa kanilang best-of-3 series ng Turbo Boosters sa mid-season conference na itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang Mikasa at Accel.
Samantala, hinirang si Rachel Anne Daquis ng Philippine Army bilang Most Valuable Player ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
Si Daquis, dating kamador ng Far Eastern University, ang naging pang-limang Lady Trooper na nakakuha ng nasabing individual award matapos sina MJ Balse, Michelle Carolino, Nene Bautista at Jovelyn Gonzaga.
Kinilala rin si Daquis bilang Best Server.