MANILA, Philippines - Palagiang naghaharap ang mga Filipino at South Korean cagers sa mga international basketball tournaments, lalo na sa FIBA (International Basketball Federation) Asian Championships kung saan ilang beses diniskaril ng Korea ang hangad ng Pilipinas na makapaglaro sa World Cup.
Ngunit noong nakaraang taon ay tinalo ng Gilas Pilipinas ang Korean squad para makakuha ng tiket sa 2014 FIBA World Championship sa Spain.
Para ipagdiwang ang arch rivalry ng dalawang koponan, inihahandog ng isang electronics company ang ‘Asian Basketball Showdown’.
Sa nasabing historic event, dadalhin sa bansa ang isa sa pinakamahusay na koponan sa South Korea na Changwon LG Sakers para sagupain ang Barangay Ginebra San Miguel.
Ang Asian Basketball Showdown ay nakatakda sa Setyembre 9 sa Smart Araneta Coliseum.
“This is history in the making. We are treating Filipinos to a one-of-a-kind opportunity to witness firsthand the excitement of watching Korean and Filipino cagers clash at the hard court,” sabi ni LG Electronics Philippines managing director Mr. Sung Woo Nam.
Ang LG Sakers ang nangunguna sa attendance rankings sa walo sa 10 seasons ng Korean Basketball League (KBL).