Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
CHAMPIONSHIP
2 p.m. – PLDT vs Air Force (battle for third place)
– Awarding Ceremonies
4 p.m. – Army vs
Cagayan Valley
(best-of-3, Game 1)
MANILA, Philippines - Hangad ng Rising Suns na maidepensa ang kanilang korona, habang layunin ng Lady Troopers na wakasan ang kanilang pagkauhaw sa titulo.
Magtatagpo ang nagdedepensang Cagayan Valley at Philippine Army sa Game One ng kanilang best-of-three championship series para sa titulo ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
Maghaharap ang Rising Suns at ang Lady Troopers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang series opener ng PLDT Home Telpad at Air Force para sa third place trophy sa alas-2 sa The Arena sa San Juan.
Ang pagbibigay ng award sa mga outstanding players ng komperensya ay isasagawa pagkatapos ng banggaan ng Turbo Boosters at Air Spikers.
Kung palakasan ng players ang pag-uusapan ay angat ang Army laban sa Cagayan dahil sa pagkakaroon ng apat na dating Most Valuable Players, isang ace setter at mga maaasahang backups.
Ipaparada ng Lady Troopers sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, MJ Balse, Nerissa Bautista, veteran playmaker Tina Salak.
Huling nagkampeon ang koponan ni head coach Rico De Guzman sa Open Conference ng Season 8 noong 2011.
“It’s been a long time since we last won, so we real-ly want this title,” wika ni De Guzman na aasahan din sina Genie Sabas, Joanne Bunag, libero Christine Agno, Patricia Torres at Sarah Gonzales.
Ang Army ang hinirang na No. 1 team sa elimination round at winalis ang No. 4 Air Force sa Final Four ng mid-season conference na itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang Mikasa at Accel.
Nakamit naman ng Cagayan, sinimulan ang torneo mula sa 0-4 baraha, ang titulo noong nakaraang taon matapos ang kanilang record na 16-game sweep.
Sina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Janine Marciano, Pau Soriano, Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio, Gyzelle Sy, Joy Benito, Relea Saet at dating Adamson star Shiela Pineda ang muling aasahan ng Rising Suns.
Nakaiwas sa pagkakasibak ang Cagayan matapos talunin ang Air Force para kunin ang No. 3 spot sa Final Four.