MANILA, Philippines - Pagtitibayin pa ng Perpetual Help Altas at ng St. Benilde Blazers ang kanilang kapit sa ikatlong puwesto sa pagsukat sa bumabangong Letran Knights at Lyceum Pirates sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon magsisimula ang tagisan ng Altas at Knights habang dakong alas-4 ng hapon naman mapapanood ang labanan ng Blazers at Pirates.
May 6-4 baraha ang Perpetual Help at St. Benilde at kasalo nila ang pahingang host Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikatlong puwesto.
Tinalo ng Altas ang Knights sa unang pagkikita, 85-82 at inaasahan ni coach Aric del Rosario na mas mahigitan pa ang magaganap na tagisan dahil tumaas ang kalidad ng laro ng Knights.
May two-game winning streak ang Letran na papasok sa larong ito at determinado silang dugtungan ang pagpapanalo para mapag-ibayo ang 4-6 baraha.
“Mas malakas sila ngayon at inspirado dahil nagpapanalo. Kaya kailangang tapatan namin ang kanilang intensidad,” wika ni Del Rosario.
Ang mga nakuha sa PBA Drafting na sina Juneric Baloria at Harold Arboleda ang makiki-pagtulungan sa nangu-nguna sa MVP race na si Earl Scottie Thompson para maliitin ang pu-wersa ng Knights na aasa kina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac.
Sina Paolo Taha at Mark Romero na napili rin ng mga PBA teams mula sa Benilde ang magtutulong para ulitin ang 86-77 panalo sa Pirates sa unang pagtutuos.
May 5-5 baraha ang Lyceum para malagay sa ikaanim na puwesto peroang makukuhang panalo ay magpapatibay pa sa habol na upuan sa semifinals.
Galing din ang tropa ni coach Bonnie Tan sa 65-60 pagkatalo sa Altas sa huling laro.
Dapat na makahanap ng paraan si Tan na maitaas ang morale ng mga sinasandalan tulad nina Joseph Gabayni, Guy Mbida,Wilson Baltazar, Dexter Zamora at Shane Ko para palakasin pa ang paghahabol na makaalpas sa double round elimination. (AT)