Lady Bulldogs pasok sa UAAP women’s basketball semis

MANILA, Philippines - Magaang na tinalo ng National University ang Far Eastern University, 67-50 para sikwatin ang unang semifinals berth sa UAAP Season 77 wo-men’s basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Ito ang ika-10 sunod na ratsada ng Lady Bulldogs para makalapit sa inaasam na outright finals berth na may ‘thrice-to-beat’ advantage.

Ang mga MVP contenders na si Shelly Gupilan ay nagtala ng 15 points at 7 rebounds para pangunahan ang NU kasunod ang 14 markers ni Afril Bernardino at 11 ni Trixie Antiquiera.

Inangkin naman ng nagdedepensang De La Salle ang kanilang pa-ngalawang dikit na panalo matapos biguin ang Ateneo, 53-37, tampok ang 15 points ni Trisha Piatos.

Nagdagdag si Cass Santos ng 14 points at 7 rebounds para sa Lady Archers na may 8-2 record para sa ikalawang posisyon.

Nagsalo ang University of Santo Tomas at Adamson University sa ikatlong puwesto sa magkatulad nilang 5-5 baraha matapos manaig sa kanilang mga laro.

Tumipa si Lore Rivera ng 12 points at kumolekta si Maica Cortes ng 10 points at 10 rebounds sa 54-36 panalo ng Tigresses laban sa University of the East.

Umiskor naman si Jinky Balasta ng 20 points para tulungan ang Lady Falcons sa 59-47 paggupo sa University of the Philippines.

Parehong may 4-5 kartada ang Lady Tamaraws at Lady Eagles kasunod ang Lady Warriors (2-7) at Lady Maroons (0-9).

Show comments