MANILA, Philippines - Tinalo ng National University ang defending men’s champion na Ateneo De Manila University, 3-2, para makamit ang outright Finals berth sa UAAP Season 77 badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall noong Linggo.
Winalis ng Bulldogs, nagkampeon sa Season 75 sa likod ni MVP Joper Escueta, ang lahat ng kanilang pitong elimination round matches.
Magkakaroon sila ng ‘thrice-to-beat’ incentive laban sa No. 2 team sa championship round.
Sa pangunguna naman ni dating Rookie of the Year winner Gerald Sibayan, bumangon ang De La Salle University mula sa naunang kabiguan sa NU para kunin ang 5-0 tagumpay kontra sa Far Eastern University.
Sumegunda ang Green Archers mula sa kanilang 6-1 kartada.
Hahawakan ng La Salle ang ‘twice-to-beat’ bonus sa stepladder semifinals na nakatakda sa susunod na linggo.
Samantala, giniba naman ng University of the Philippines ang University of Santo Tomas, 4-1, sa kanilang do-or-die match.
Dahil sa panalo ay nakamit ng Fighting Maroons ang huling semis berth.
Tinapos ang single-round eliminations bitbit ang 5-2 record, mauupo ang Blue Eagles bilang No. 3 seed.
Makakatapat nila ang Fighting Maroons para sa unang stepladder match.
Ang mananalo sa Ateneo-UP duel ang sasagupa sa La Salle sa isa pang stepladder duel.
Tuluyan nang nasibak ang Growling Tigers sa kanilang pang-apat na kabiguan sa kabuuang pitong laro.