MANILA, Philippines - Ang dominanteng paglalaro ni Alfred Aroga ang siyang dahilan kung bakit nakasalo ang National University Bulldogs sa ikatlong puwesto sa 77th UAAP men’s basketball tournament.
Sa huling laro laban sa Ateneo Blue Eagles ay pinatunayan ni Aroga na siya ay isa kundi pinakamatinding manlalaro sa shaded area para bitbitin ang Bulldogs sa 76-66 panalo at makasalo ang Blue Eagles sa ikatlong puwesto sa 7-3 karta.
Kinapos lamang si Aroga ng dalawang blocks para sana sa triple-double performance sa ibinigay na 15 puntos, 11 rebounds at season-high 8 blocks.
Bago ito ay gumawa ang Cameroonian center ng 12 rebounds, pitong puntos at dalawang blocks para tulungan ang NU sa 71-50 pananaig sa Adamson Falcons.
Dahil dito, si Aroga ang siyang ginawaran ng UAAP Press Corps ng Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week citation.
Dinaig niya para sa lingguhang citation na suportado ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol sina Roger Pogoy ng FEU at Almond Vosotros ng La Salle na nagbida sa kinuhang panalo sa kanilang mga koponan para maiwang magkasalo sa liderato sa 7-2 baraha.