MANILA, Philippines - Tinalo ni Archand Christian Bagsit ang kababayang si Edgardo Alejan Jr. sa 400-meter race para katampukan ang magandang ipinakita ng Pilipinas sa 76th Singapore Open Track and Field Championships na natapos noong Linggo sa Choa Chu Kang Stadium sa Singapore.
Nakaungos si Bagsit sa huling 50 metro ng karera para makuha ang ginto sa 47.77 segundo oras, habang nakuntento sa pilak si Alejan sa 47.79 segundo.
Ang mananakbo ng Japan na si Souchiro Kawase ang kumuha sa bronze medal sa bilis na 48.08.
Naghatid pa ng pilak sina pole vaulter Ernest John Obiena at Fil-Am hurdles/sprinter Eric Shauwn Cray para tapusin ng pambansang koponan na ipinadala ng PATAFA ang kampanya sa dalawang araw ng torneo taglay ang 4 gold, 4 silver at 1 bronze medals.
Si Obiena ay nakaalpas sa 5.20m bar para pumangalawa kay Duh Yeon Han ng Korea na may 5.30m performance at ang bronze ay sinungkit ni Kai Jie Boey ng local team NTU sa 4.40m marka.
Naubos naman si Cray sa finals nang matalo sa 19-anyos na sprinter na si Eashan W. Himasha ng Sri Lanka na may 10.61 oras.
May 10.66 tiyempo si Cray na pinaniwalaan na makukuha ang pangalawang ginto sa kompetisyon matapos manguna sa heats at semifinals.
Si Cray ay unang nagwagi sa 400m hurdles.
Ang iba pang naghatid ng gintong medalya para sa bansa ay sina Marestella Torres (long jump) at Christopher Ulboc (3,000m steeplechase), habang ang isa pang pilak ay inihatid ng men’s 4x400m relay at ang tanso ay galing kay Henry Dagmil (long jump).
Sa pangkalahatan, ang Pilipinas ay pumangatlo (4-4-1) sa ilalim ng kampeong Korea (11-6-1) at pumangalawang Japan (4-6-7).