Gilas nakatikim ng panalo
MANILA, Philippines - Nakakuha na rin ng panalo ang Nationals.
Giniba ng Gilas Pilipinas ang Egypt, 74-65, sa isang friendly match sa Guadalajara, Spain anim na araw bago ang 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Kumamada si Jeff Chan ng 20 points, tampok ang apat na three-pointers para sa unang panalo ng Nationals matapos ang limang sunod na kamalasan sa kanilang mga tune-up games.
Nag-ambag si naturalized center Andray Blatche ng 14 points sa second half para talunin ang Egypt, sumegunda sa 2013 FIBA Afro Championship.
Humakot si Marc Pingris ng 12 points at 5 rebounds, habang may 8 markers si June Mar Fajardo kasunod ang tig-7 nina Ranidel de Ocampo at Gabe Norwood.
Nauna nang natalo ang Gilas Pilipinas sa France, Australia, Ukraine, Euzkadi-Basque at Angola.
Ang kanilang huling tune-up match ay laban sa Dominican Republic.
May 5-3 baraha ang Egypt bago natalo sa Nationals.
Sa 2014 FIBA World Cup ay makakasama ng Gilas Pilipinas sa Group B ang Greece, Argentina, Puerto Rico, Croatia at Senegal.
- Latest