MANILA, Philippines - Hindi na nagpapigil ang nagdedepensang Cagayan Valley sa kanilang pagbabalik sa Finals.
Winalis ng Rising Suns ang kanilang best-of-three semifinals series ng PLDT Home TelPad Turbo Boosters mula sa 25-20, 12-25, 25-19, 26-24 panalo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Aiza Maizo ng match-high na 22 hits, kasama dito ang 18 kills at 3 blocks, para igiya ang Cagayan sa best-of-five championship series laban sa Philippine Army.
Winalis din ng Lady Troopers ang kanilang semis showdown ng Air Force Air Spikers mula sa kanilang 25-11, 25-20, 25-22 tagumpay sa ikalawang laro ng mid-conference na itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang Mikasa at Accel.
Nagbida si Rachel Ann Daquis sa nasabing panalo ng Army sa kanyang 11 hits.
Nagtala naman si Jovelyn Gonzaga ng 13 points kasunod ang 12 ni Mary Jane Balse at 10 ni Nerissa Bautista para sa Lady Troopers.
Nakatakda ang Game One ng titular series ng Cagayan at Army sa Huwebes, ayon sa nag-oorganisang Sports Vision.
Nagdagdag sina Pau Soriano at Janine Marciano ng 11 at 10 points.
Maski ang paglalaro nina Dindin Santiago at Carmina Aganon para sa Turbo Boosters ay hindi nakapigil sa Rising Suns.