NANJING – Nakalasap ng kabiguan ang Pilipinas sa recurve archery sa 2nd Youth Olympic Games.
Unang natalo si Gabriel Luis Moreno sa Fangshan Archery Field matapos yumukod kay Brazilian Marcus D’Almeida sa kanilang round-of-32 knockout eliminatons.
Sumunod naman si Bianca Roxas-Chua Gotuaco na nabigo kay Miasa Koike ng Japan.
Si Moreno ay umupo sa No. 30 matapos tumudla ng 605 points sa opening rounds para makatapat ang No. 3 archer ng Brazil na nagsumite ng 683.
Sa kanilang Olympic round matchup, natalo si Moreno, 29-22, 30-26, 28-27 (87-75).
Base sa puntos, nanalo ang Brazilian, 6-0.
Nakatama si D’Almeida ng anim na 10s at Xs (bullseye) kumpara sa dalawa ni Moreno para umabante sa round-of-16 matches sa Lunes.
Positibo naman ang naging pananaw ni Moreno para sa kanyang paglahok sa mixed-team competitions katambal si Li Jiaman ng China.
Maganda naman ang inilaro ni Gotuaco sa rankings noong Biyernes kung saan siya nagpakawala ng 642 points para pumuwesto sa No. 11 sa hanay ng 32 entries.
Ang Japanese ay nagtala naman ng 618 para umupo sa No. 22.