Altas giniba ang Pirates
MANILA, Philippines - Nagpakilala ang rookie ng Perpetual Help Altas na si Gab Dagangon nang pangunahan ang 65-60 panalo sa Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang 21-anyos na rookie mula Cotabato City ay may kabuuang 16 puntos para mapagningning ang ikaanim na panalo sa 10 laro ng Altas.
Walang takot si Dagangon at ang kanyang jumper bago matapos ang ikatlong yugto ang nagtulak sa Altas sa 50-40 kalamangan.
Lalong lumabas ang galing ni Dagangon sa huling 10 minuto nang ibagsak niya ang pitong puntos, kasama ang isang tres, para pangunahan ang pagtatala ng koponan sa 61-46 bentahe.
Hindi naman nagpahuli ang mga beterano ng koponan at si Justine Alano ay may 14 puntos, si Juneric Baloria ay may 12 at sina Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson ay naghati sa 20 puntos.
Si Thompson na nangunguna sa karera para sa MVP ay may 15 rebounds, 4 assists at 1 steal para sa solidong numero na makakatulong para sa hinahangad na mapili ng mga PBA teams sa gaganapin ngayong hapon na PBA Rookie Draft.
Sina Baloria at Arboleda ay nakapasok din sa nasabing aktibidades.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Pirates sa kamay ng Altas.
May 18 puntos si Dexter Zamora, si Joseph Gabayni ay naghatid ng 14 puntos at 10 boards.
Perpetual 65 -- Dagangon 14, Alano 14, Baloria 12, Thompson 10, Arboleda 10, Sadiwa 5, Olivera 0, Dizon 0, Ylagan 0, Tamayo 0, Bantayan 0, Gallardo 0, Jolangcob 0.
LPU 60 -- Zamora 18, Gabayni 14, Baltazar 10, Taladua 9, Lesmoras 5, Mbidda 2, Bulawan 2, Soliman 0, Malabanan 0, Elmejrab 0, Maconocido 0.
Quarterscores: 14-10; 26-26; 50-40; 65-60.
- Latest