NANJING – Pumuwesto si archer Bianca Roxas-Chua Gotuaco sa No. 11 sa ranking round ng women’s individual recurve sa Fangshan Archery Field dito.
Nakatipon ang 17-anyos na si Gotuaco ng 642 points mula sa 72 arrows at umupo sa No. 11 sa hanay ng kabuuang 32 female archers.
Naglista si Gotuaco, estudyante sa International School Manila, ng 322 points sa first half at 320 sa final half.
Natudla niya ang X ring (bullseye) ng 10 beses at ang inner 10 ring ng 25 ulit.
Nauna nang sumikwat si Gotuaco ng gold medal sa isang Ohio competition at tinulungan ang Pilipinas na ungusan ang Mexico sa labanan para sa bronze medal sa Seoul International Archery Fiesta.
Si Gyeong Lee Eun ng Korea ang bumandera sa rankings sa kanyang 681 points kasunod sina Diananda Choirunisa (673) ng Indonesia at Jiaman Li (669) ng China.
Magbabalik si Gotuaco ngayon hapon para sa Olympic round o sa knockout stage kung saan niya makakalaban si No. 22 Miasa Koike ng Japan (618 points).
Minalas naman si Gabriel Luis Moreno sa kanyang 605 points para sa No. 30 sa hanay ng 32 male archers.
Naging maganda ang simula ni Moreno, ang Philippine flag-bearer sa opener, sa kanyang 325 bago bumaba sa 280 sa final half matapos ang isang recess.
Sa Olympic round ay lalabanan naman ni Moreno ang third-ranked na si Marcus D’Almeida ng Brazil (683).