MANILA, Philippines - Hangad ng Batang Gilas na manalo sa tatlo nilang asignatura sa second round para makapasok sa quarterfinals ng FIBA-Asia Under-18 Championship sa Al-Gharafa Gym sa Doha, Qatar.
Tumabla ang mga Pinoy cagers sa Malaysians sa ikatlong puwesto sa magkatulad nilang 1-1 win-loss record sa ilalim ng China at South Korea na nagwalis sa first round.
Kasalukuyang nilalabanan ng Batang Gilas ang Qatar (0-2) habang isinusulat ito at nakatakdang sagupain ang China bukas bago labanan ang Malaysia sa Linggo para sa pagtatapos ng second round.
Nanaig ang Batang Gilas sa Jordan, 85-60, ngunit yumukod sa South Korea, 69-87.
Sa naturang kabiguan sa Koreans ay napuwersa ang mga Pinoy sa 23 turnovers.
Inaasahang babanderahan ni Ranbill Tongco, ang rookie ng San Beda Red Lions, ang kampanya ng Batang Gilas makaraang tumipa ng 24 points sa nasabing dalawang laro.