MANILA, Philippines - Ang Lithuania, Spain at United States ang nangingibabaw, habang nasa No. 20 naman ang Gilas Pilipinas sa Power Ladder na inilabas ng FIBA siyam na araw bago ang 2014 FIBA World Cup sa anim na siyudad sa Spain.
Sa hanay ng mga Group B teams, ang Pilipinas ay No. 4 at nasa ibabaw ng Croatia at Senegal base sa resulta ng mga laro simula noong Mayo 29 para sa world meet.
Ang Nationals ay No. 20 sa kanilang 5-6 win-loss record, kasama rito ang kanilang second-place finish sa FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China at ang kanilang five-game losing slump sa Antibes, France at sa San Sebastian, Spain.
Bumandera ang Puerto Rico sa mga Group B teams sa kanilang 5-3 slate kasunod ang Greece (4-3) at Argentina (3-3).
Ang Croatia ay may 1-3 mark kasunod ang Senegal (0-1).
Hindi naman kasama ang mga scrimmages ng Gilas Pilipinas sa Miami at Vitoria.
Nagposte ang Lithuania ng perpektong 10-0 baraha kasunod ang Spain (6-0), US (2-0), Dominican Republic (6-2), Serbia (5-2), Mexico (6-3), Slovenia (4-2) at New Zealand (7-4).
Nalasap ng Nationals ang kanilang ika-limang sunod na kamalasan mula sa 74-83 pagyukod sa Angola sa San Sebastian.
Humakot si 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche ng 33 points at 17 rebounds para sa panig ng Gilas Pilipinas.