Identity at dignity
Ang lakas ng hype sa nalalapit na pagbabalik ng Pilipinas sa world basketball competition simula sa Agosto 30 sa Seville, Spain.
Tiwala naman ang sportswriter na ito na hindi malulunod si coach Chot Reyes dito at ‘di malilimutan ang Asian Games na magsisimula naman sa Setyembre 20 sa Incheon, Korea.
Tamang mag-asam ng mga disenteng laban sa España, ngunit hindi dapat mawaglit sa isip na nasa Korea ang tunay na kompetisyon – ang labanan para sa supremacy sa Asian basketball.
Segunda na tayo sa Iran sa huling FIBA Asia Championship, at dapat na targetin ang pananatili doon o ang pag-asenso.
Siguro ang tema ng Gilas Pilipinas ay hubugin ang “identity” sa world championship at idepensa ang “dignity” sa Asian Games.
Tunay naman na hindi madali ang naghihintay na laban sa Gilas Pilipinas sa Incheon.
Nariyan ang Korea na determinadong manalo sa harap ng kanilang mga kababayan.
Nandoon ang Iran na gigil na gigil sungkitin ang Asiad gold medal na never pa nilang napanalunan.
At siyempre naroon ang China na laging nakakatakot na kalaban.
Seeded sa second round ang Top Eight sa 2010 Guangzhou Games.
Ito ay China, South Korea, Iran, Japan, Qatar, Pilipinas, Jordan at North Korea.
Kasama sa dadaan sa qualifying round ang iba pang medal contenders na Lebanon at Chinese-Taipei.
Ang mandato ng Gilas Pilipinas mula kay Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan: “Go all the way to win the gold.”
Ito ay bagay na hindi nagawa ng Team Phl mula nang kanilang kuhanin ang huli sa apat nilang Asiad gold medal noong 1962 sa Jakarta, Indonesia.
Ang koponan ay kinabibilangan nila Boy Arazas, Kurt Bachmann, Narciso Bernardo, Gerry Cruz, Manny Jocson, Caloy Loyzaga, Alfonso Marquez, Roel Nadurata, Ed Pacheco, Cristobal Ramas, Alberto Reynoso at Edgar Roque.
Natapos ang pamamayagpag ng Pilipinas sa Asian Games nang bumagsak sila sa sixth place noong 1966 sa Bangkok, Thailand.
Hindi na muling nakakuha ng medalya ang bansa sa Asiad hanggang igiya ni coach Joe Lipa ang 1986 team sa bronze-medal finish sa Seoul, Korea.
Pawang mga amateurs pa ang koponan noon ng mga future PBA players na sila Eric Altamirano, Allan Caidic, Glenn Capacio, Harmon at Jerry Codiñera, Jojo Lastimosa, Samboy Lim, Ronnie Magsanoc, Alvin Patrimonio, Dindo Pumaren, Elmer Reyes at Jack Tanuan.
Sina Caidic, Lim, Magsanoc, Patrimonio ay nanatili sa national team nang ikopo ng Pilipinas – sa pamumuno ni head coach Sonny Jaworski -- ang silver medal sa 1990 Beijing Games.
Ito ang pinakamalaking tagumpay ng Pilipinas sa Asiad matapos ang 11-year rule simula sa first Asian Games sa New Delhi noong 1951.
- Latest