NEW YORK -- Narinig ni Derrick Rose na isinisigaw ng mga fans ang kanyang pangalan.
At nais niyang ibigay ang kanilang gusto.
Ngunit matapos magpahinga ng halos dalawang taon dahil sa kanyang injury at ang paparating na NBA season ay kailangan muna niyang magdahan-dahan.
“Just trying to protect myself, just knowing that this is a long, long schedule and this is the most basketball I’ll be playing in two years,” wika ni Rose.
“I want to be out there, but at the same time my health is the No. 1 issue right now,” dagdag pa ng Chicago Bulls’ superstar guard.
Sa pag-upo ni Rose, si Kyrie Irving ang isinama sa starting five at kaagad tumipa ng limang sunod na basket patungo sa kanyang 12 points sa 105-62 paggupo ng U.S. national basketball team sa Dominican Republic sa isang exhibition game.
Umiskor din si James Harden ng 12 sa limitadong playing time para sa Americans, ginamit ang kanilang mga subs sa second half.
Nagtala naman sina Rudy Gay at DeMar DeRozan ng tig-13 points.
Sinabi ni Rose kay U.S. assistant Tom Thibodeau, ang kanyang coach sa Bulls, na may nararamdaman siyang sakit.
Ngunit ayon kay Rose, wala itong kinalaman sa kanyang multiple knee surgeries.
Ang pag-upo ni Rose ang nagbigay kay U.S. coach Mike Krzyzewski ng pagkakataon para tingnan ang iba niyang players para sa nalalapit na pagbabawas sa kanyang line-up.
Ang Americans ay may 16 players sa kanilang roster at dapat maghirang ng 12 para sa darating na FIBA World Cup.
“When we do eventually make decisions on the 12, it will be very, very difficult,” sabi ni Krzyzewski.
Sinabi ni Krzyzewski na wala pa siyang tatanggalin sa kanilang laro laban sa Puerto Rico kung saan inaasahang maglalaro si Rose.
Isinigaw ng mga fans ang pangalan ni Rose pagsapit ng third quarter.
Ngunit nagdesisyon si Krzyzewski bago pa man ang jump ball na huwag paglaruin ang Chicago star.
Hindi rin sumama si Rose sa kanilang team practices sa nakaraang dalawang araw matapos magbida sa kanilang exhibition victory kontra sa Brazil sa Chicago.
“He’s feeling a lot better, he was probably feeling good enough to play tonight, but because he hasn’t played and he’s trying to shake off some rust, the best thing to do was to give him the day off,” ani Thibodeau sa kayang player.