MANILA, Philippines - Isang two-week media tour ang gagawin nina world welterweight champion Manny Pacquiao at challenger Chris Algieri upang humakot ng interes para sa kanilang bakbakan sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Ang 12-day tour ay dadalhin sa Shanghai, San Francisco, Las Vegas, Los Angeles at New York.
Sisimulan ang nasabing media tour nina Pacquiao at Algieri sa Lunes sa Florence Ballroom ng The Venetian.
Kinabukasan ay magdaraos sina Pacquiao at Algieri ng press conference sa Ballroom C ng Sheraton Shanghai Pudong Hotel sa China.
Sa Agosto 29 ay magtutungo ang 5-foot-6 1/2 na si Pacquiao at ang 5’10 na si Algieri sa United States para sa kanilang media tour kasama ang NFL team na San Francisco Giants sa AT&T Park sa San Francisco.
May mga press conference din ang dalawa sa The Venetian Las Vegas sa Agosto 30, sa Hyatt Regency Century Plaza Hotel sa Los Angeles sa Setyembre 3 at sa Setyembre 4 sa Liberty Theatre sa New York City.
Maghahagis naman si Pacquiao ng ceremonial pitch para sa laro ng Los Angeles Dodgers at ng Washington Nationals sa Dodger Stadium sa Setyembre 1.
Idedepensa ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight title kay Algieri (20-0-0, 8 KOs).