MANILA, Philippines - Nalasap ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan sa mga tune-up game 10 araw bago ang pagsisimula ng 2014 FIBA World Cup.
Yumukod ang Natio-nals sa Basque Country national team, 66-75 sa Sebastian, Spain.
Ngunit ang masakit dito ay nagkaroon si combo guard Jayson Castro ng ankle injury.
Nakatakdang sumailalim ang Talk ‘N Text stalwart sa isang MRI (magnetic resonance imaging) test para malaman kung gaano kabigat ang kanyang injury.
Naihayag na ni coach Chot Reyes ang Final 12 players ng Gilas Pilipinas para sa World Cup at Asian Games kung saan parehong kasama si Castro.
Maaaring magpalit ng player ang Team Phl o ang anumang koponan, ngunit kailangan silang magbayad ng malaking penalty fee.
Ang mga maaaring pumalit kay Castro ay sina Jared Dillinger, Beau Belga at Jay Washington.
Walang inilabas na detalye ukol sa kabiguan ng Gilas Pilipinas sa Euzkadi-Basque maliban kay Andray Blatche na nagtala ng 19 points at 7 rebounds, habang may 10 markers si Marc Pingris.
Hindi nanalo ang koponan ni coach Pablo Laso sa kanilang mga friendly matches bago labanan ang Gilas.
Ang Basque Country team ay hindi kasama sa FIBA at nakikipaglaro lamang sa mga FIBA teams.
Apat pang tune-up matches ang lalaruin ng Nationals bago harapin ang Croatia sa world meet sa Agosto 30.
Lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Angola sa San Sebastian sa Agosto 21, ang Mexico sa Vittoria sa Agosto 23, ang Dominican Republic sa Guadalajara sa Agosto 24 at ang Egypt sa Guadalajara sa Agosto 25.