Air Force pasok sa semis

MANILA, Philippines - Naging maganda ang panimula ng Raiders at mula dito ay hindi na nila pinaporma pa ang Lady Eagles.

Winalis ng Philippine Air Force ang Ateneo De Manila University, 25-20, 25-22, 25-22 sa playoff game para angkinin ang No. 4 ticket sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Winakasan ng Raiders ang limang sunod na panalo ng Lady Eagles sa quarterfinal round para makasikwat ng playoff spot.

Bilang No. 4 team, haharapin ng Air Force ang No. 1 Philippine Army, habang lalabanan ng No. 2 PLDT Home Telpad ang No. 3 Cagayan Valley sa kani-kanilang best-of-three semifinals series na magsisimula bukas.

Nilimita ng Raiders si top scorer Alyssa Valdez sa 18 points para gitlain ang Lady Eagles.

Umiskor lamang si top hitter Maika Ortiz, may average na 15.6 points ng 5 hits ngunit kumamada naman sina Judy Caballejo at Mary Ann Pantino para sa opensa ng Air Force.

Tumapos si Caballejo na may 10 kills para sa kanyang 11 points, habang nagdagdag si Pantino ng 7 hits, kasama ang 2 blocks.

Mula sa 0-2 pagkakabaon ay nakatabla ang Lady Eagles sa 22-22 bago humataw si Rhea Dimaculangan sa panig ng Raiders bago ang magkasunod na errors ng Ateneo.

Show comments