MANILA, Philippines - Nais ng Gilas Pilipinas na makabawi sa masamang kampanya sa isang pocket tournament sa France upang mapataas ang kanilang morale at kumpiyansa sa pagharap sa Euzkadi ngayong umaga (Manila time) sa kanilang unang laro sa limang huling tune-up matches para sa 2014 FIBA World Cup na nakatakda sa Aug. 30-Sept. 14 sa anim na lungsod sa Spain.
Hangad ng Nationals na bumalik sa tamang direksiyon sa pagsagupa sa Basque Country autonomous team sa alas-8:30 ng gabi sa Polideportivo J.A. Gasca, San Sebastian.
Ang Euzkadi ang pinakamahinang kalaban ng Gilas Pilipinas sa kanilang tune-up games bago sumabak sa world meet. Susunod nilang sasagupain ang Angola sa San Sebastian sa Aug. 21, Mexico sa Vittoria sa Aug. 23, Dominican Republic sa Guadalajara sa Aug. 24 at Egypt sa Guadalajara rin sa Aug. 25.
Ang Basque Country team ay walang kinalaman sa FIBA. Lumalaro lamang sila ng friendly matches.
Nakalasap ang Gilas Pilipinas ng 64-114 kabiguan sa Ukraine team ni longtime NBA coach Mike Fratello sa pagtatapos ng Antibes basketball tournament noong Linggo sa France.
“Wish we could’ve ended our France stint on a higher note but that’s exactly why we play these games,” sabi ni Gilas assistant coach Josh Reyes sa kanyang Twitter account. “Got to keep learning and keep on playing teams that are much better than us so that we can have a chance to reach their level.”
Ang lahat ng koponang haharapin ng Gilas Pilipinas sa Group B sa World Cup ay mas mataas ang ranggo kumpara sa Ukraine sa FIBA world ranking.
Ang Argentina ay No. 3 sa ilalim ng USA at Spain, habang ang Greece ay No. 5, ang Croatia ay No. 16, ang Puerto Rico ay No. 17 at ang Senegal ay No. 41, habang ang Pilipinas ay nasa No. 34. (NB)