MANILA, Philippines - Sa kanyang ipinakita sa dalawang araw na skills challenge, kumpiyansa si Fil-American guard Chris Banchero na matatawag ang kanyang pangalan sa 2014 PBA Rookie Draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Place Manila.
“I don’t know if I impressed them. Maybe I did, maybe I didn’t, but they’ve all seen me play before,” sabi ni Banchero.
Muling bumandera ang 5-foot-11 guard sa ikalawa at huling araw ng 2014 Gatorade PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.
Nanguna si Banchero sa maximum vertical leap (68.32 inches), lane agility (8.33 seconds), shuttle run (16.57 seconds) at three-fourth court sprint (2.91 seconds).
Noong Lunes, bumandera din ang dating ABL Finals MVP ng San Miguel Beermen sa standing vertical leap (33.73m).
Subalit ito ay nilampasan nina Matt Ganuelas (36.18m), Allan Tria (34.29m) at Stanley Pringle (33.87m), ang sinasabing kukunin ng Globalport bilang No. 1 overall pick, sa ikalawang araw.
Nagtatakda ang PBA ng espesyal na skills test para kay Filipino boxing icon Manny Pacquiao, head coach ng Kia Motors.
Ang 5’6 1/2 at 35-an-yos na Sarangani Congressman ay nagsumite ng kanyang aplikasyon para sa 2014 PBA Draft.
Sa drafting, Globalport ang unang kukuha ng player kasunod ang Rain or Shine (galing sa Meralco), Barako Bull, NLEX, Alaska, Ginebra, San Mig (ga-ling Barako na nakuha sa Petron/San Miguel), Barako (galing sa Talk ‘N Text), Rain or Shine, Barako (ga-ling sa San Mig), Kia Motors at Blackwater. (RC)