MANILA, Philippines - Dapat na pabayaan na lamang ng National Chess Federation Philippines (NCFP) si GM Wesley So sa kagustuhan na lumipat ng US Chess Federation sa hangaring mapaganda pa ang kanyang career.
Sa pagbisita ng bagong luklok na FIDE secretary-general na si Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, binanggit niya na nagkita sila ni So sa Norway at patuloy pa rin ang pagtanaw nito ng utang na loob na ginawa ng Pilipinas para maabot niya ang kinalalagyan ngayon.
Ngunit dapat din umano na maintindihan ng lahat na may pangarap din si So na sa tingin niya ay kayang mangyari kung aanib sa US federation.
“This is my personal opinion. Walang makakapigil sa kanya dahil it’s a dream, it’s a goal. We have to face the reality na baka makuha niya ang number two o number one with the US team. So dapat huwag na natin siyang pahirapan at suportahan na lang ang gusto niya,” wika ni Tolentino na sec-gen din ng NCFP bukod sa kinatawan ng 7th district ng Cavite sa Kongreso.
Nagkita at nagkausap na sina So at ang NCFP president Prospero Pichay sa Norway at patuloy na ipinagkait ang hinihinging release ng GM upang tuluyan nang makasapi sa US federation.
Si Tolentino ay nakaanib sa partido ni incumbent FIDE president Kirzan Ilyumshinov at winalis ng nasabing grupo ang mga nakalaban na nakaanib kay dating world champion Garry Kasparov sa nakaraang FIDE elections.
Tiniyak ni Tolentino na gagamitin niya ang bagong puwesto para maisulong ang interes hindi lamang ng Pilipinas kungdi ng buong Asia.
“Ang panalo ko ay hindi pansarili kungdi para sa bansang Pilipinas. Iilan lamang ang Filipino na nasa World federations at may boses na tayo dahil andoon na tayo, pati ang buong Asia may boses na,” sabi pa ni Tolentino.
Isa sa kanyang mga unang balak ay dalhin sa bansa ang plano ni Ilyumshinov na ituro ang chess sa mga paaralan bukod sa pagbibigay ng puwesto kay dating FIDE sec-gen Casto ‘Toti’ Abundo. (AT)