MANILA, Philippines - Sinuwerte ang Batang Gilas sa draw para sa FIBA-Asia Under-18 Championship dahil awtomatiko silang pasok na sa second round bago pa man magsimula ang aksiyon sa Doha, Qatar.
Napabilang ang mga Pinoy sa Group B kasama ang matitinik na South Koreans at Jordanians at dahil tatlong team lamang sila sa grupo ay awtomatikong pasok na sila sa susunod na round habang ang ibang grupo ay dadaan pa sa elimination dahil may tig-apat na team na kasama.
Ang China, India, Malaysia at host Qatar ay nasa Group A, ang Bahrain, Iran, Kazakhstan at Kuwait ang nasa Group C habang nasa Group D ang Hong Kong, Iraq, Japan at Chinese Taipei.
Kasama na ngayon ni coach Jamike Jarin pati na sina Jose Go IV ng Ateneo at Andres Paul Desiderio ng UP ang team ilang araw matapos kumampanya sa nakaraang FIBA Under-17 World Championship sa Dubai.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Norman Aaron Black ng Ateneo, Dave Wilson Yu, Manuel Isidro Mosqueda III at Mark Anthony Dyke ng National U, Richard Escoto at Brandrey Bienes ng Far Eastern U, Joshua Andrei Caracut at Ranbill Tongco ng San Beda, Leonard Santillan ng University of Visayas at Kobe Paras ng LA Cathedral.
Ang pinakamataas na player ng team ay ang 6’7 na si Paras, anak ng dating PBA rookie MVP Benjie Paras na nag-aaral sa US sa pagbabakasakali sa US NCAA Division I school habang nadiskubre naman ang 6’5 na si Santillan sa Cebu.
Naka-bye ang Batang Gilas sa opening ngayon bago harapin ang Jordan bukas sa alas-2:00 ng hapon (Phl time).