MANILA, Philippines - Kagaya ng inaasahan, bumandera ang mga malalaking pangalan sa Philippine bowling sa pamumuno nina dating world champion Biboy Rivera at multi-titled Lara Posadas sa pag-abante sa second level ng 34 men at 34 ladies sa Bowling World Cup national championships.
Si Rivera, naglista ng 269 at 266 noong Sabado sa Coronado Lanes at 33 pang iba sa individual kegfest ay muling magpapagulong ng 12 games bukas ng alas-10 ng umaga sa Paeng’s Midtown center at hangad ang walong tiket papunta sa stepladder finals.
Tinapos ni Rivera ang unang araw ng kompetisyon sa kanyang 2615 pinfalls kasunod sina Jay-Ar Tan (2564), Benshir Layoso (2510), Enzo Hernandez (2482) at Raoul Miranda (2466).
Muli ding maglalaro si Posadas, nagposte ng 10-game series na 2186 at ang 33 iba pa ng 10 games bukas sa Paeng’s Midtown.
Nasa second place naman si Liza Clutario sa 2080, third si Liza del Rosario sa 1979, fourth si Christelle Peig sa 1970 at pang-lima si Krizziah Tabora sa 1959.
Nagsumite si Posadas ng 256, 235 at 232 sa itaas nina veteran international campaigners Clutario at Del Rosario.
Ang ikatlo at huling araw ng labanan ay idaraos sa Biyernes sa SM North EDSA kung saan ang mga men’s at ladies’ winners ang kakatawan sa bansa sa international finals sa Nobyembre 1-9 sa Wroclaw, Poland.
Pumang-siyam si Mades Arles, tumapos na ika-walo sa nakaraang international finals sa Russia, sa kanyang 1792.