MANILA, Philippines - Nabigong makakuha ng solidong produksyon mula sa kanilang mga big men, yumukod ang Gilas Pilipinas sa Australia, 75-97, sa 2014 Antibes International Basketball Tournament sa Azur Arena sa Antibes, France.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Nationals matapos matalo sa France, 68-75 sa natu-rang pocket tournament.
Ang mga big men na sina Marc Pingris, Ranidel De Ocampo, Japeth Aguilar, June Mar Fajar-do at Beau Belga ay may pinagsamang 7 points at 11 rebounds lamang para sa Gilas Pilipinas na susunod na kalaban ang Ukraine.
Humakot si 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche ng 20 points at 10 rebounds para pamunuan ang Nationals kasunod ang 12 markers ni guard Jayson Castro, habang nagtumpok sina Jeff Chan at Gary David ng pinagsamang 21 points mula sa kanilang 5-of-10 shooting sa three-point range.
Nakalapit ang Gilas Pilipinas sa first half, 42-47, hanggang tambakan ng mga Australians sa 88-68, may 4:49 minuto na lang sa fourth quarter para sa kanilang ikalawang dikit na panalo.
Unang pinayukod ng Australia ang Ukraine, 74-65.
Umiskor si San Antonio Spurs power forward Aron Baynes ng 15 points kasunod ang 14 ni Ryan Broekhoff at tig-13 nina Brad Newley at Mattew Dellavedova para sa Australia at si Dante Exum, ang No. 5 overall pick sa nakaraang NBA Draft ay nagtala ng 8 markers at 6 assists.
Ang torneo ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa 2014 FIBA World Cup na magsisimula sa Agosto 30 sa Spain. (RC)