KO ang inaasahan ni Roach kay Manny

MANILA, Philippines - Huling umiskor ng knockout win si Manny Pacquiao noong Nobyembre 14, 2009 matapos pigilin si Miguel Cotto sa 12th round sa kanilang world welterweight championship fight.

Para sa title defense ni Pacquiao kay Chris Algieri, sinabi ni chief trainer Freddie Roach na inaasahan niyang mapapabagsak ng Filipino world eight-division champion ang American challenger sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Ngunit walang sinabi si Roach kung anong round ito mangyayari.

“We’ll knock him out somewhere along the way,” paniniyak ni Roach. Idedepensa ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown kontra kay Algieri (20-0-0, 8 KOs).

Para sa nasabing laban ay magsasanay ang 35-anyos na Sarangani Congressman sa Pilipinas kagaya ng kanilang ginawa laban kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios noong nakaraang taon.

“We’ll have camp in the Philippines. In the Philippines we’re in the same time zone, so we won’t have to acclimate,” paliwanag ni Roach. “Training camp will be six weeks and we’ll spend the last week in Macau.”

Binugbog ni Pacquiao si Rios sa loob ng 12 rounds sa kanilang non-title fight noong Nobyembre 24, 2013 sa The Venetian sa Macau.

Matapos ito ay niresbakan naman ni Pacquiao si Timothy Bradley, Jr. sa kanilang rematch noong Abril.

Inaasahang gagamitin ng 5-foot-10 na si Algieri ang kanyang matutulis na jab para pigilan ang atake ng 5’6 na si Pacquiao.

Show comments