MANILA, Philippines - Umiwas sa anumang komplikasyon ang PLDT Home Telpad matapos ta-lunin ang nagdedepensang Cagayan Valley, 25-22, 25-21, 25-22 at angkinin ang ikalawang tiket sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Philippine Army ang unang kumuha ng semifinals berth makaraang iposte ang kanilang pang-walong panalo.
Humataw si dating Most Valuable Player Sue Roces ng 18 points sa panalo ng Turbo Boosters.
Nagdagdag naman si Laurence Ann Latigay ng 12 hits kasunod ang 10 markers ni Gretchel Soltones para sa ikawalong tagumpay ng PLDT sa 11 asignatura sa ligang itinataguyod ng Shakeys katuwang ang Mikasa at Accel.
Umiskor sina Ryzabelle Devanadera at Charo Soriano ng tig-6 hits, samantalang si Lizlee Ann Pantone ang palagiang bumubuhay sa bola ng Turbo Boosters sa kanyang 18 excellent digs at 9 receptions.
Pag-aagawan ng PLDT at ng Army ang top spot sa Linggo sa pagtatapos ng quarterfinal round kung saan ang mananalo ang lalaban sa No. 4 team sa Final Four.
Nalasap naman ng Rising Suns ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan sa quarterfinals.
Kumamada si Aiza Maizo ng 15 points at nag-ambag sina Angeli Tabaquero at Pau Soriano ng tig-9, habang may tig-5 sina Wenneth Eulalio, Janine Marciano at Joy Benito para sa Rising Suns.
Sa ikalawang laro, bumangon ang Ateneo Lady Eagles mula sa 1-2 agwat para talunin ang sibak nang National University Lady Bulldogs, 26-28, 25-19, 16-25, 25-16, 15-7 at angkinin ang playoff para sa huling semis spot.
Nagposte si league scoring leader Alyssa Valdez ng 32 hits, kasama dito ang 6 blocks at 7 aces, habang may 16 hits si Bea de Leon para sa five-game sweep ng Lady Eagles.