Bruno bumawi sa huli
MANILA, Philippines - Hindi ininda ng Bruno ang masamang alis nang kakitaan ng malakas na pagdating at lumabas bilang long shot sa pagpapatuloy ng karera noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Esteban de Vera ang hinete ng nagbabalik na kabayo na nag-init sa huling 250-metro sa 1,200-m karera upang manalo pa kahit nasa ikaanim na puwesto pagpasok sa rekta.
Ang napaborang Strategic Manila ni Antonio Alcasid Jr. ang nanguna mula sa alisan sa Handicap Race-3 at bandera pa papasok sa rekta.
Ngunit hindi napansin ang malakas na pagdating ng nasa dulong-labas na Bruno para matalo ng isang ulo lamang ang pagitan sa meta.
Ikalawang opisyal na takbo lamang ng kabayo matapos ibalik mula sa pitong buwang bakasyon at natuwa ang mga nanalig sa galing ng kabayo matapos magpasok ng P118.50 sa win habang ang 3-7 forecast ay may P278.50.
Nakapagpasikat din ang Ideal View habang ang Swing Vote ang lumabas na pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Si JL Paano ang dumiskarte sa Ideal View na hindi pinakawalan ang naunang umalagwa na Lady Liam sa Handicap Race 1A sa 1,200-metro karera.
Naubos ang Lady Liam upang masingitan pa ng Hot Gossip ni WP Beltran sa pangalawang puwesto.
Kumabig pa ng P34.00 ang win ng Ideal View habang ang pagpasok sa ikalawang puwesto ng liyamadong Hot Gossip ay may P57.50 sa 1-7 forecast.
Mahusay din ang ginawang diskarte ni JV Ponce sa Swing Vote na nakontento sa pangalawang puwesto habang pinapanood na nagsalitan sa pangunguna ang Poker Chip at Black Label.
Sa far turn saka humataw ang Swing Vote para tapusin ang magkasunod na ikatlong puwestong pagtatapos sa naunang dalawang takbo sa buwan ng Agosto.
May P6.00 ang dibidendo sa win habang P32.00 ang inabot pa sa 8-2 forecast. (AT)
- Latest